Monday, January 11, 2010

DALAWANG HURADO SA PILIPINAS GOT TALENT, PINANGALANAN NA!

Magpapakitang gilas na ang mga Pinoy sa pinakamalaking reality and talent show na “Pilipinas Got Talent” kaharap na ang mga napiling hurado— ang Queen of all Media na si Kris Aquino at dating ABS-CBN President na si Freddie Garcia.

Isang malaking karangalan para kay Kris na makatrabaho si Freddie na isa sa mga haligi ng industriya ng telebisyon at responsible sa tagumpay ng maraming personalidad at mga programa.

“Sabi ko talaga sa sarili ko, hindi ko pwedeng palampasin ang pagkakataong makatrabaho ang lalaking responsible sa likod ng tinatawag na golden age of television,” sabi ni Kris tungkol kay Freddie. “Dito sa PGT, maghahanap kami ng susunod na bituin sa industriya at si Freddia Garcia na ang masasabi kong isa sa ultimate na star-maker.”

Ngayon pa lang ay inaabangan na ng publiko ang mga komentong bibitawan ni Kris sa mga contestants ngunit taliwas sa prankang Kris na kilala ng nakararami, magiging mabait daw siya ngayon sa PGT.

“Ako ang magiging pinaka-lovable at compassionate na judge para mabalanse,” paliwanag ni Kris.

Kasama ang ikatlo pang hurado, sama-sama sina Kris, Freddie at hosts na sina Luis Manzano at Billy Crawford na tutungo sa limang key cities sa Luzon, Visayas, at Mindanao para salain pa ang mga contestants na nagnanais maging pinakaunang “Pilipinas Got Talent” winner.

Unang magpapabilib ang mga PGT hopefuls mula Visayas sa darating na January 22 at 23 sa SM Cinema 1 Cebu na susundan ng mga taga- Mindanao sa January 29 at 30 sa Capitol University Cagayan De Oro City. Hahataw naman ang mga taga-Manila sa Quezon City sa February 5 at 6, taga-Southern Luzon sa University of Batangas sa Feb. 12 at 13, at mga taga-North and Central Luzon sa University of Baguio sa Feb. 16 at 17.

“Show what you’ve got and do your best because the two minutes you’ll spend can be the biggest break in your life. You can become one of the biggest stars in the country,” dagdag ni Kris.

Ang “Pilipinas Got Talent” ay matutunghayan na sa Pebrero sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

















0 comments:

Post a Comment