Friday, June 25, 2010

LATEST PBB TEEN BIG WINNER, MAKIKILALA NA!

Sa darating na Sabado (June 26), magaganap na ang pinaka-aabangang finale ng isa sa pinakamatagumpay na reality shows ng bansa, ang “Pinoy Big Brother.” Ang edisyong binansagang “Teen Clash of 2010” ay magtatapos sa isang astiging live show na pinakamagatang “Unite at the Big Night.”

Kakaiba ang edisyong ito dahil sa unang pagkakataon, anim na housemates ang pasok sa finale—ang Teen Big Six. Isa kina Ann, Bret, Devon, Fretzie, Ivan, James, at Ryan ang hihiranging Teen Big Winner.

Ang Cebuanang si Devon ang natatanging teen housemate na nagmula sa simpleng pamumuhay. Bagaman nakikipagsabayan sa ibang mga kasama na pawang sanay sa komportableng buhay, matapang rin si Devon sa pagpapahayag ng kanyang mga opinyon at saloobin.

“Charming” ang bansag kay Fretzie, isa pang Cebuana na kilala dahil sa angking kagandahan. Kinilig ang taongbayan sa patok ng tambalan nila ng co-housemate na si Bret pero hinangaan rin sa ipinamalas na kasipagan sa loob ng bahay.

Ang natatanging lalaking Pinoy ay si Ivan. Kung sa una’y tahimik at halos walang alam na salitang Tagalog, ngayo’y bukas na s’ya sa mga kasama at naipapahayag na ang sarili sa ating sariling wika.

Sa unang pagkakataon, nanirahan rin sa bahay ni Kuya ang mga kabataang banyaga—ang mga teen-ternational housemates. At mula sa sampung pumasok, tatlong teen-ternationals ang nakapasok sa teen big six.

Kabilang dito si Ann mula sa Korea na nagpamalas ng iba’t ibang talento at kakaibang pakikisama sa ibang teen housemates. Naantig rin ang lahat sa ipinakita n’yang katatagan kabila ng katotohanang hiwalay ang kanyang mga magulang.

Marami ring ipinakitang talent is Bret mula U.S.A. Pinakilig n’ya ang taongbayan sa kanyang mga nilikhang awitin at sa tambalan nila ni Fretzie. Pero mas bumilib sa kanya ang ibang teen housemates sa kanyang pamumuno sa iba’t ibang tasks at pagtatanggol sa mga kasama kapag kinakailangan.

Makatawag-pansin din ang kakisigan ni James mula Australia. Bagaman nanganib ang kanyang pananatili sa bahay dahil sa karamdamanan, sinikap n’yang pabutihin ang kanyang kalagayan. Buong tapang din n’yang sinabi ang pagmamahal para sa ama.

Komedya naman ang pambato ni Ryan mula Korea. Pero kahit madalas na nagpapatawa, pinasilip din n’ya ang drama ng kanyang buhay, ang mga pagsubok na pinagdaanan ng kanyang pamilya at kung paano masaya pa rin ang disposisyon bagaman produkto ng broken home.

Matindi nga ang labanan para sa titulong Teen Big Winner at mas nagiging mainit ang usapan kung sino nga ba ang mas karapat-dapat? Pinoy o teen-ternational?

Kung tensyonado ang mga diskusyon sa mananalo sa kompetisyon, emosyonal naman ang tatlong hosts sa nalalapit na pagtatapos ng programa.

"Nakaka-senti talaga pag malapit nang matapos ang season,” pag-amin ng Über host na si Mariel Rodriguez. Pero natawa rin s’ya sa ilan sa kanyang mga pinagdaanan sa season na ito, "Nakaka-miss din yung papasok ka sa loob ng bahay ni Kuya for any reason. Memorable sa ‘kin yung pinapasok ako para sa scouting task ni Baby Ivan. Nakakatuwa siya, namumula buong mukha niya pag binibiro ko siya."

"Sad ako, ito na ang last PBB edition for the year. Mami-miss ko yung together-ness with House C,” pagbahagi naman ng Updates host na si Bianca Gonzalez. “Di ba may dalawang bahay si Kuya? Yung House C yung third house. Kami yun, mga host, staff at crew ng PBB. Mami-miss ko yung bonding namin."

Tulad ng dalawang kaibigan, magkahalo din ang emosyon ng primetime host na si Toni Gonzaga. "Every pagtatapos naman ng season nakakalungkot, pero at the same time nakaka excite kasi alam mo na you are preparing for the next season... I'm wishing the best sa [Teen] Big Winner ng Season na to."

Sino man ang hihiranging Teen Big Winner, isang masaya at makinang na pagsalubong na ang inihanda sa Unite at the Big Night. Kabilang sa mga inaabangang pagtatanghal nina Jovit Baldivino, Keith Cark, Velasco Brothers (na pawang mga produkto ng Pilipinas Got Talent). Mga panauhin din sina Sam Concepcion, teen ex-housemates at PBB Double Up Big Winner at Prinsesa ng Masa Melissa Cantiveros. Abangan ang lahat ng ‘yan sa Sabado ng Gabi pagkatapos ng MMK.

Matapos ang Unite at the Big Night, abangan naman sa Linggo (June 27) isang malaking reunion bilang pagdiriwang ng limang taon ng Pinoy Big Brother. Abangan ang pagsasama-sama ng inyong mga paboritong ex-housemates mula sa iba’t ibang edisyon. Linggo ng gabi pagkatapos ng “Sharon.”

Check out the Teen Big 6 Gallery here.

0 comments:

Post a Comment