Wednesday, July 28, 2010

BIRTHDAY BOY ZANJOE, AYAW MA-TYPECAST BILANG SEXY ACTOR

Mula sa pagiging simpleng modelo at dating housemate sa unang edisyon ng “Pinoy Big Brother Celebrity Edition” malayo na ang narating ng aktor ni Zanjoe Marudo.

Ngunit sa isang panayam sa kaniya matapos ang kaarawan niya noong Hulyo 23, inamin ni Zanjoe na maraming pa siyang pangarap sa kaniyang career.

“Gusto ko magtagal sa industriyang ito. Marami akong gustong gawin eh. Gusto ko mag-drama, gusto ko mag-comedy, gusto ko mag-action. ‘Yung hindi nakatali sa isang character o genre,” ani ng 28-anyos na aktor.

Masaya naman si Zanjoe dahil kasalukuyan niyang naipapakita ang iba’t ibang galing sa pag-arte. Sa “Banana Split,” comedy. Sa pelikulang “Cinco,” nag-suspense at horror siya, at sa darating na Agosto 16, muli naman siyang magda-drama sa pinaka-aabangang TV adaptation ng numero unong pocketbook series sa bansa na “Martha Cecilia's Kristine” kasama ang Jewel of Romance na si Cristine Reyes.

Ayon kay Zanjoe, marami silang pagkakapareho ng gagampanan niyang role na si Jaime, na tulad niya’y sigurista at hindi tradisyunal na romantiko.

“Hindi niya agad binibigay lahat hanggang hindi sigurado. Ako ganon din ako, hindi ako pumapasok sa isang bagay hanggat hindi ako sigurado. Pareho rin siguro kaming minsan lang gumawa ng something romantic, pero malakas yung impact kasi hindi sanay yung tao na ganon kami,” paliwanag niya.

Inamin naman ni Zanjoe na mayroon pa rin siyang nais baguhin sa sarili, tulad ng mas pagiging expressive ng kaniyang pagmamahal.

“Hindi kasi ako showy na tao. ‘Pag na-aappreciate ko yung isang bagay eh hindi ko kaagad napapakita. Kaya minsan nagiging negative na, kasi iniisip ng iba hindi ko nagustuhan o na-appreciate,” sabi niya.

Kung may isang bagay naman na hindi siya nahihiyang ipakita ay ang paninindigan at pagsisikap niya para sa kaniyang pamilya at sa kaniyang career.

“Kaya lang naman ako nagta-trabaho dahil kailangan ng pamilya ko. Hindi naman sila humihingi pero nararamdaman ko na kailangan ako. Marami rin akong gustong matutunan, marami akong gustong gawin, marami akong pangarap,” paglalahad ni Zanjoe.

Kaya naman sa bago niyang teleserye sa Primetime Bida na “Martha Cecilia's Kristine,” inaasahang ibang Zanjoe ang mapapanood ng sambayanang Pilipino.

“Gusto kong makuha ‘yung respeto ng ibang tao, ng ibang artista, ng mga katrabaho ko. At iyang ang gagawin ko sa ‘Kristine,’” pagtatapos niya.