Sunday, August 22, 2010

LABAN SA MISS UNIVERSE, INAALAY NI VENUS KAY YUMAONG BB PILIPINAS INT’L MELODY GERSBACH

Mas lalo ngang tumitindi ang laban ng pambato ng Pilipinas na si Venus Raj dahil bukod sa pagharap sa hamon ng pagkatawan ng Pilipinas sa Miss Universe ay kinakailangan niya ring harapin ang biglaang pagkawala ng matalik na kaibigang at Bb. Pilipinas International 2009 Melody Gersbach.

Nagrerehearse si Venus para sa inaabangang pageant night ng sinabi sa kanya ang nakakalungkot na balita na pumanaw na ang Fil-German beauty queen dahilan sa isang aksidente.

"Isa siya sa talagang nag-push sakin na sumali sa Binibining Pilipinas," sabi ng isang maluha-luhang Venus sa panayam sa kanya ni Dyan Castillejo sa Las Vegas na ipinalabas via "TV Patrol."

Bagamat nalulungkot sa pagpanaw ng kapwa Bicolana na tinuturing niyang mentor, ginagawa ni Venus ang lahat para maging focused sa kanyang laban at mas lalo pa siyang naging determinado na mauwi ang tagumpay para sa kaibigan.

"I'm sure gusto ni Melody na ituloy ko ito kaya gusto kong idedicate itong Miss Universe para sa kanya," dagdag pa niya.

Simula nga ng lumapag si Venus sa Las Vegas ay sinundan na ng bawat Pilipino ang kanyang bawat galaw sa pamamagitan ng mga ulat ni Dyan Castillejo sa “TV Patrol,” “Bandila,” "Umagang Kay Ganda," "The World Tonight," at "News Central" at maging live updates sa kanyang Twitter account.

Bukas na magaganap ang pinakahihintay na coronation night, na pangungunahan ng hosts na sina Bret Michaels at Natalie Morales, sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Lasa Vegas. Kabilang sa mga huradong dapat ma-impress ni Venus sina Chazz Palminteri, Chynna Phillips, Criss Angel, Evan Lysacek, Jane Seymour, Niki Taylor, Sheila E, Tamron Hall, William Baldwin, Basim Shami, BJ Coleman, Carlos Bremer, Corinne Nicolas, Louis Burgdorf, Natalie Rotman, at Sadoux Kim.

Magtagumpay kaya si venus at hiranging pinakamagandang babae sa buong mundo?

Huwag palalampasin ang “Miss Universe 2010” ngayong Martes (Aug 24), 9:30 AM sa ABS-CBN. Tunghayan ang primetime telecast sa parehong araw sa Studio 23, 9:30 PM, at sa Velvet (SkyCable ch 53) sa ganap na 6:30 PM at 10:00 PM.

Image courtesy of Miss Universe L.P., LLLP