Sunday, August 1, 2010

PINAKAMAGANDANG MGA BABAE SA MUNDO, MAGTITIPON SA LAS VEGAS PARA SA “MISS UNIVERSE 2010”

Ang pinakamagandang araw sa buong mundo ay magaganap na Las Vegas, Nevada!

Tunghayan ang mas lalo pang pagkinang at pagkutitap ng mga ilaw sa tinaguriang City of Lights sa pagdating doon ng pinakamagagandang babae sa buong mundo para sa taunang “Miss Universe” pageant na mapapanood via satellite ngayong Agosto 24 (Martes), 9:30 AM, sa ABS-CBN at may primetime telecast sa parehong araw sa Studio 23, 7:10 PM, at sa Velvet (SkyCable ch 53) sa ganap na 6:30 PM.

Muling nagbabalik sa ikatlong pagkakataon ang Miss Universe sa Las Vegas na naging saksi sa pagwawagi nina Miss Universe Lupita Jones (Mexico) noong 1991 at Miss Universe Alicia Machado (Venezuela) noong 1996.

Kabilang sa susubok na masungkit ang korona ay ang pambato ng Pilipinas na si Maria Venus Raj. Bata pa lamang ay pinangarap na ng 21-year old fashion model na makakamit ng world beauty title kung kaya’t hindi nakapagtataka na halos lahat ng local beauty pageants sa Bicol ay nasalihan na niya. Dahilan na rin sa kahirapan kung kaya nagsikap si Venus na matapos ang kanyang Bachelor’s degree in Journalism sa pamamagitan ng isang scholarship grant.

Sinuman ang hihiranging reyna para sa taong ito ay siyang magpapatuloy ng sinimulan ni Miss Universe 2010 Stefania Fernandez kabilang na ang paglilibot sa buong mundo upang magbigay kaalaman sa mga estudyante patungkol sa isyu ng HIV/AIDS.

Ito na ang ika-apat na taon na ABS-CBN ang eksklusibong eere ng naturang beauty pageant kaya naman nananatili itong tahanan ng Miss Universe sa Pilipinas. Susundan ni ABS-CBN senior sports correspondent Dyan Castillejo ang bawat hakbang ni Venus at maghahatid ng pinakasariwang kaganapan kaugnay sa pageant via ‘‘TV Patrol’’ at ‘‘Bandila.’’

Si Venus na kaya ang ikatlong Pinay na hihiranging pinakamagandang babae sa buong mundo? Matalbugan nya kaya ang ningning ng ibang kandidata sa city of lights?

Huwag palalampasin ang pinakamagandang araw sa buong mundo sa “Miss Universe 2010” ngayong Martes (Aug 24), 9:30 AM sa ABS-CBN. Tunghayan ang primetime telecast sa parehong araw sa Studio 23, 7:10 PM, at sa Velvet (SkyCable ch 53) sa ganap na 6:30 PM.