Sunday, August 22, 2010

TAMBALANG ZANJOE AT CRISTINE, HINDI PAPAHULI KINA RAFAEL AT DENISE



Kasing-init ng mga eksena sa “Martha Cecilia’s Kristine” ang naging pagtanggap ng sambayanan sa programa matapos nitong ilampaso ang kalaban nitong nakaraang linggo.

Humataw ng 18.6 percent ang pilot episode ng programa nina Zanjoe Marudo, Cristine Reyes, Rafael Rosell, at Denise Laurel kumpara sa 9.6 percent ng kalabang programa ayon sa nationwide survey ng Kantar Media/TNS.

“Lahat sila nagandahan, maganda daw yung story, maganda daw yung acting. Sabi ng mga friends ko kaabang-abang siya at nakakabitin,” sambit ni Cristine.

Patuloy namang lumalakas ang rating ng ‘Kristine’ dahil na rin sa ganda ng kuwento, ng mga kuha, at pag-arte ng mga bida sa direksyon ng batikang director na si Rory Quintos.

Una nang nagdala ng kilig at sabik ang tambalang Marco at Emerald, na ginagampananan ng most sensual on-screen sweethearts na sina Rafael at Denise. Kasalukuyang bihag ni Marco si Emerald na naligaw sa kanilang lupain. Dugo man ng mortal na kaaway ang nananalaytay sa kanila tila hindi mapigilan ng dalawa ang mahumaling sa isa’t isa.

Hindi naman daw patatalo ang Prince of Passion na si Zanjoe at ang Jewel of Romance na si Cristine, na gaganap na Jaime Reyes at Jewel Fortalejo.

“Feeling ko naman, magugustuhan ng tao yung tandem naming ni Cristine. Iba ang atake namin ni Cristine sa mga characters namin. Kung sina Marco at Emerald eh medyo intense na seryoso, kami cute na makulit,” ani Zanjoe.

Masasaksihan na ang kapana-panabik na pagkikita ni Jaime at Jewel ngayong linggo sa pagdating nilang dalawa sa Paso de Blas. Si Jaime ay babalik upang tulungan ang mga De Silva na pinagkakautangan niya ng loob, samanatalang si Jewel naman ay sumunod sa ate n’yang si Emerald.

Pangako nina Cristine at Zanjoe na lalo pang maaakit ang mga tagapanood sa nakakapanabik na mala-‘Romeo and Juliet’ na kuwento ng ‘Kristine.’ Abangan ang maiinit na eksena at makapigil-hiningang mga kaganapan sa “Martha Cecilia’s Kristine” Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Magkaribal sa Primetime bida ng ABS-CBN.