Wednesday, October 27, 2010

CRISTINE REYES AT LUIS MANZANO, MAGTATAMBAL SA WANSAPANATAYM’S KOKAK!

Isang bagong tambalan ang hatid ng high-rating Saturday fantasy-drama anthology, ang ‘Wansapanataym,’ ngayong Sabado sa ABS-CBN sa kanilang tampok na episode na Ruben Marcelino’s ‘Kokak.’

Pagbibidahan ni Cristine Reyes at Luis Manzano, tiyak na mas maraming mahuhumaling na manood ng nasabing palabas sa ABS-CBN na patuloy ang paghataw sa ratings. Noong Sabado (October 23), muli na naman naghari sa nationwide ratings ang Wansapanataym. Nagkamit ng 30.1 na rating ang kinagigiliwang programa kaya naman number one ito sa top 20 programs nationwide ayon sa Kantar Media.

Mababalot ng hiwaga ang inyong gabi sa bagong kwentong handog ng Wansapanataym. Si Kara (Cristine) ay isang magandang dalaga na naninirahan sa kagubatan. May sumpa ang katauhan ni Kara-- sa tuwing masusugatan ito at may dugong lalabas, magiging palaka siya. Magkukrus ang landas ni Kara at ng isang binata na gagampanan ni Luis. Mahuhulog ang kanyang loob kay Kara. Ano kaya ang mangyayari sa kanilang pag-iibigan sa oras na malaman ng binata ang sumpang taglay ng kanyang minamahal?

“Ito po ang first Wansapanataym episode ko kaya masayang-masaya po ako. Kakaiba rin kasi yung karatker ko dito, may hiwaga talaga (laughs),” pahayag ni Cristine. Dagdag pa nito na ikinagagalak niyang makatrabaho si Luis, “Naku, tawa lang ako ng tawa kay Luis. Masaya kasi siya kasama sa set.”

Huwag palalampasin ang Wansapanataym’s Kokak at saksihan ang kakaibang chemistry nina Cristine at Luis ngayong Sabado pagkatapos ng TV Patrol.