Sunday, November 28, 2010

CAST NG “KOKEY@AKO,” IPINAHAYAG ANG SALOOBIN SA PAGTATAPOS NG PROGRAMA


Matatapos na nga ang fantaserye with a heart ng ABS-CBN na “Kokey@Ako” ngayong linggo at ngayon pa lang ay hindi maitago ng lead stars nito ang pagka-miss sa programa.

“Pinaka-mami-miss ko si Direk Wenn, si Direk Ricky, ang Melason, silang lahat kasi na-enjoy ko ang company nila during shoot, during tambay moment sa dressing room habang hinihintay yung next take. Mami-miss ko din ang pagganap ko bilang Jackie dahil natural at totoo ang karakter niya,” pahayag ng Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga.

Kung nami-miss ni Toni ang mga mga katrabaho sa set, mga eksena in between takes naman ang mami-miss ng kanyang on-screen partner at Prince of Comedy na si Vhong Navarro.

“Mami-miss ko yung mga biruan, yung mga paglalaro namin sa mga boses nina Kokey at Kekay, yung panggagaya namin sa kanila. Yung mga harutan, adliban, yung patapos na eksena hahabol pa ng punchline,” sabi naman ni Vhong.

Iba naman ang epekto ng pagtatapos ng programa sa reel at real life couple na sina Melai Cantiveros at Jason Francisco dahil habambuhay nilang babaunin ang mga natutunan sa lahat ng nakasama at nakatrabaho sa “Kokey@Ako.”

“Natutunan ko yung i-respeto ang isang indibidwal, tao man siya o alien kasi ginawa siya ng Panginoon. Natutunan ko na i-love ang mga ginagawa ko kasi sabi nila pag mahal mo ang trabaho mo, hindi ka mapapagod,” pagbabahagi ng prinsesa ng masa na si Melai.

“Natutunan ko yung professionalism kasi sina kuya Vhong at Ate Toni, kahit malaking artista na sila, hindi mo sila makikitaan ng pag-iinarte sa trabaho. Inaaral nila yung script, yung character, iniintindi nila yung instructions,” pagbabahagi naman ng prinsipe ng masa na si Jason.

Wala na ngang bibitaw sa inaabangang pagtatapos ng “Kokey@Ako” ngayong linggo lalo pa’t nabunyag na ang mga lihim na matagal ng itinatago— ang tunay na pagkatao ni Belat at ang pagpapanggap ni Lois bilang si Princess.

Sa paglalantad ng tunay na Bruce, sino nga ba talaga ang pipiliin ni Jackie? Ang lalaking unang minahal o ang alien na natutunan niya ng mahalin?

Samantala, patuloy naman na lumalakas ang pwersa ng mga kukurikabukans na siya namang naglalagay kay Kekay sa matinding peligro. Paano nga ba poprotektahan ni Kokey ang kanyang kapatid? Tuluyan na nga bang masakop ng mga taga ibang planeta ang planet Earth? Mabubuo pa kaya ang pamilya ni Jackie bago sumapit ang posibleng katapusan ng mundo?

Iyan ang lahat ng dapat abangan sa final week ng ”Kokey@Ako.” Tunghayan ito Lunes hanggang Biyernes, bago ang “TV Patrol” sa ABS-CBN.