Tuesday, November 23, 2010

MAY BAGYO NGA BA SA PAGITAN NINA KAYE ABAD AT SHAINA MAGDAYAO?

Simula nang nailantad ang dating ugnayan ng mga karakter nina Sid Lucero (Rex) at Shaina Magdayao (Alyna) sa teleseryeng “Precious Hearts Romances Presents Alyna” ay sunud-sunod na ang mga eksena ng pang-aalipusta ni Kaye Abad kay Shaina.

Pakiramdam tuloy ng iba ay nagiging totohanan na ang palitan ng maaanghang na salita ng dalawa, lalo na’t sa totoong buhay ay naugnay rin sila sa iisang lalaki, si John Lloyd Cruz.

Paglilinaw ni Kaye, na gumaganap bilang Lilet, walang anumang bagyo ang nagaganap sa kanila ng kaibigang si Shaina, na nakasama na niya dati sa “Rubi.”

“Kami naman dito sa set ng Alyna ay magkakabarkada din. So ‘yung mga eksenang may sampalan, ‘pag rehearsal tawanan yan. Lumlalabas ang pagmamaldita pag take na.”

Gayunpaman, aminado si Kaye na paminsan ay kinakabahan siya sa pagiging kontrabida.

“Si Carol (Banawa) nagtext sa ‘kin, ang sama daw ng ugali ko (laughs). Pero ‘yung iba natutuwa dahil something new yung role dahil dati kasi puro iyak, puro pa-sweet,” pagkuwento niya. Malaking hamon nga kay Kaye ang pagganap kay Lilet dahil sa matinding dilemma ng karakter---Kumbinsihin si Dominic (Jason Abalos) na mahalin s'yang muli.

Isa pang bagong hamon kay Kaye sa “Alyna” ay ang paminsang pagpapa-sexy niya dito. Kamakailan nga ay napanood siyang naka-two piece bikini sa programa.

Si Shaina naman ay kung hindi kay Kaye ikinukumpara ay sa mga artista sa kalabang programa. Mas seksi daw ang katapat niya kaysa sa kanya. Sagot naman ni Shaina, hindi raw siya sumali sa “Alyna” para magpakita ng katawan.

“Ang pagiging sexy ni Alyna eh hindi sa pagpapakita ng katawan. It's about how she carries herself, yung demeanor nya as a person, mga decision nya in life. That's what makes her sexy,” aniya.

Hindi rin daw siya nababagabag sa pagkukumpara sa kaniya sa iba. “I have nothing against anyone. I see it as healthy competition,” pagtatapos ni Shaina.

Maski anong gimik pa ang gawin ng iba ay nananatili namang malakas ang “Alyna” sa buong bansa dahil sa ganda ng daloy ng kuwento at ang mahuhusay na pagganap ng mga artista dito.

Sa pagpapatuloy ng nangungunang afternoon drama, isang malaking bagyo ang darating sa Rancho del Carmen. Pero mas malaking "bagyo" ang nagbabadyang sumira sa pagtitinginan nina Alyna at Dominic. Dahil sa pagkalugmok sa pagkakaroon ng relasyon nina Dominic at Alyna, napabayaan ni Rex ang kanyang kalusugan. Si Alyna ang aalalay sa kanya lingid sa kaalaman ni Dominic. Makadama kaya si Rex ng pag-asang magkapatawaran at magkabalikan sila ni Alyna? Pag-ugatan din kaya ito ng selos o pagdududa ni Dominic?

Huwag bumitaw sa panghapong dramang pang-primetime ang dating, “Precious Hearts Romances Presents Alyna,” Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng “Juanita Banana” sa ABS-CBN.