Thursday, December 9, 2010

BAGONG ZANJOE MARUDO TAMPOK SA IKALAWANG YUGTO NG “KRISTINE”



Isang bagong Zanjoe Marudo ang bumulaga sa mga manonood sa pagpasok ng ikalawang yugto ng “Martha Cecilia’s Kristine.”

Malayo sa pilyo at simpleng si Jaime, ang karakter ngayon ni Zanjoe ay mas seryoso sa buhay at mataas ang ambisyon. Pagkatapos kasi ng malagim na pagwawakas ng unang libro ng “Kristine” ay tuluyan nang tinanggap ni Jaime ang kaniyang tunay na pagkatao bilang ang tagpagmanang si Bernard De Silva-Fortalejo.

Kaya naman mula sa tubuhan, ay inaabangan na rin ngayon ang kakisigan ni Zanjoe sa loob ng boardroom, kung saan gumagawa siya ng malalaking desisyon para sa kanilang kumpanya.

“Heto na ang challenge sa akin bilang aktor…ang transition mula sa pagiging Jaime papunta sa pagiging Bernard. Si Jaime kasi masiyahin siya, wala pa siyang baggage na dinadala. Si Bernard, mas confident, mas malalaki na ang goals hindi lang sa sarili kundi para rin sa ibang tao,” sabi ng Prince of Passion.

Dagdag pa niya, hindi tulad ni Jaime na umiikot lang ang mundo kay Jewel (Cristine), pinag-aaralan ni Bernard kung papaano ipagpatuloy ang buhay niya ng wala ang dating kasintahan. At kasama sa kaniyang pagmu-move on ang pagdating ng bagong babaeng magpapainit sa kaniyang buhay, si Dianna, na ginagampanan naman ni Bangs Garcia.



“Habang wala si Jewel, magiging mag-kaibigan si Bernard at Dianna. Abangan na lang ng mga tao kung saan mapupunta ang relasyon nila,” ani Zanjoe.

Bukod kay Bangs, papasok rin sa kuwento ang dalawa pang sexy actress na sina Iya Villania at Kristel Moreno. Dahil nadagdagan ang mga characters ay dadami rin daw ang kuwentong susubaybayan sa epikong TV adaptation ng numero-unong pocketbook series sa Pilipinas.

Sa darating na linggo, isang panganib ang kakatok sa buhay ni Jewel dahil sa isang taong nakakakilala sa kanyang tunay na pagkatao. Malalaman na rin ni Bernard ang lihim ni Dianna, ang kaniyang madilim na nakaraan na maaaring sumira sa namumuong romansa nila ni Bernard. Pero gayunpaman, hahantong sila sa alukan ng kasal dahil sa paniniwala ni Bernard na patay na si Jewel.

Samantala, magkakalapit din ng loob sina Scarlet (Iya) at Marco de Silva (Rafael Rosell). Ito na kaya ang maging hudyat ng paglimot niya kay Emerald? Magku-krus namang muli ang mundo nina Nathaniel (JM de Guzman) at Jasmin (Kristel Moreno) matapos ang kanilang hindi magandang pagkakakilala.

Abangan din ang pagbabalik sa Paso de Blas ni Jewel, na sa naging karanasan ay nawalan ng alaala. Huwag palalampasin ang bawat episode ng teleseryeng bumubuhay sa iyong gabi, ang “Martha Cecilia’s Kristine, Ang Ikalawang Yugto,” pagkatapos ng “Imortal” sa ABS-CBN.