Wednesday, December 15, 2010

SHOWTIME SEASON 2 GRAND FINALS, SA SABADO NA!

Sa pangalawang pagkakataon, titigil ang mundo ng sambayanang Pilipino sa paghaharap ng pinakamagagaling at pinakanakakaaliw na grupo sa “Showtime Season 2 Grand Finals” ngayong Sabado ng tanghali sa ABS-CBN.

Magtatagisan sa huling showdown ng kasalukuyang season ang “Big Trio,” “Kidz@Trix,” “89.9 Hoodz,” “Mama’s Boys,” “Lal-lo’s Blacklight Performers,” “Speed Movers Crew,” “Xtreme 24/7,” “Laoag City Gymnastics Group,” “Zero Gravity,” at ang mananalo sa Wild Card round na nagaganap ngayong linggo.

Dama naman ng mga host na sina Vhong Navarro, Anne Curtis, Kuya Kim Atienza, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz at resident judge na si Vice Ganda ang excitement sa napapalapit na pag-hirang ng pangalawang kampeon ng “Showtime.”

“Magagaling ang lahat ng grupo kaya siguradong mainit ang magiging labanan,” ani Vhong. May paalala naman si Vice sa mga magtatanghal sa Sabado, “hinahamon natin ang mga grupo na pakitaan kaming mga hurado at ang madlang people ng bago. Ito na ang pagkakataon nilang magpasikat kaya ibigay na nila ang lahat.”

Inaabangan din ang pagbabalik ng mga guest judge ng season 2 tulad nina Ryan Bang, Jhong Hilario, Kaye Abad, at Karylle para tumulong kay Vice sa pagpili ng grupong susunod sa yapak ng “XB Gensan,” na matapos mag-uwi ng P1 milyon ay patuloy ang pag-angat sa industriya.

Magkakaroon din ng Christmas special ang “Showtime” simula Lunes (Dec 20) hanggang Sabado (Dec 25) kung saan maraming malalaking artista ang makikisaya sa madlang people.

Samantala, huwag palalampasin ngayong Sabado (Dec 18) ng tanghali ang “Showtime Season 2 Grand Finals” pagkatapos ng “Kapamilya Blockbusters” sa ABS-CBN.