Babaeng bulag na kayang tumugtog ng piano, magkapatid na nagtatap-dance gamit ang ordinaryong leather shoes, dalagang sabay-sabay na pinapaikot ang hoola hoop sa katawan, at isang brass band na may 70 miyembro sama-samang magtatanghal sa isang entablado.
Ilan lamang iyan sa dapat ninyong pakaabangang acts sa pinakahihintay na ikalawang season ng pinakamalaking talent-reality show sa bansa na “Pilipinas Got Talent” ngayong Sabado (Feb 26) sa ABS-CBN.
Muli na naman ngang hahalughugin ang buong bansa para sa katangi-tanging talentong may karapatang mag-uwi ng tumataginting na P2 million cash prize at pagkakataong sumikat at makamit ang pangarap tulad ni PGT season one grand winner Jovit Baldivino na hindi na maawat sa pamamayagpag sa industriya ng musika.
Kung nagbabalik ang programa, siyempre nagbabalik din ang mga kwelang hosts nito na sina Luis Manzano at Billy Crawford na ibinahagi ang kanilang excitement na muling mag-host ng PGT.
“Sobrang saya ko. Alam natin kung gaano sinuportahan ng mga tao ang unang season at ang sarap ng pakiramdam na gawin ito uli kasama si Billy boy,” sabi ni Luis.
Muli rin maririnig ang mga komento at buzzer sound mula sa Big 3 judges na sina Kris Aquino, Ai Ai Delas Alas, at Freddie “FMG” Garcia na haharapin uli ang hamon ng pagpili kung sino sa mga mag-audition ang bibigyang pagkakataon na makapasok sa grad finals.
Nang tanungin kung ano ang payo nila sa mga PGT hopefuls ngayong season, sabi ni Kris “Bihira ang magkaroon ng pagkakataong maka-perform para sa buong bansa. Ibigay mo na ang lahat dahil minsan lang dumadating ang ganito kalaking oportunidad.”
“Mataas ang pressure ngayon dahil dapat kabugin niya ang season one. Kung dati binuhay niyo ang katawang lupa ko, ngayon mas buhayin niyo pa ang kaluluwa ko,” dagdag ni Ai Ai.
Pinayuhan din ni FMG ang mga contestants na tapangan pa at ipakitang sila ang pinakamahusay lalo pa’t inaasahang mas iigting ang kumpetisyon ngayong season. “Mas technical ang judging ngayon. It’s a totally different show because it’s a variety show. You really don’t know what to expect. I think that is the beauty of PGT.”
Ang “Pilipinas Got Talent” ay isa sa pinakamatagumpay at pinakapinanood na talent-reality show sa telebisyon na talaga namang nagpasikat sa unang grand winner nito na si Jovit. Simula ng siya ay manalo noong Hunyo ng nakaraang taon, nakapag-release na ang Batanguenong dating siomai vendor ng dalawang album under Star Records, ang una umani pa ng Platinum record award, at nakapagsagawa din ng kanyang major concert sa music museum.
Pati ibang grand finalists ay namamayagpag na rin sa kani-kanilang larangan dala ng pintuan binuksan para sa kanila ng PGT.
Huwag palalampasin ang pinakaaabangang “Pilipinas Got Talent” simula ngayong Sabado (Feb 26) at Linggo (Feb 27) na, 8:45 PM sa ABS-CBN.












0 comments:
Post a Comment