Wednesday, March 2, 2011

TV Patrol, Numero Uno News Program pa rin sa Bansa para sa Pebrero


Para sa buwan ng mga puso, napunta sa Kapamilya ang puso ng mas nakararaming mga Pinoy nationwide imbes sa Kapuso, lalo na pagdating sa primetime matapos talunin ng ABS-CBN ang kalabang istasyon sa average audience share na 41% kumpara sa GMA 7 na may 31% lang.

Sa pagbabalita sa primetime, wagi ang ABS-CBN sa pamamagitan ng “TV Patrol” na numero uno pa rin sa mga newscast sa buong bansa kahit nagbagong bihis ang kalabang newscast at namimigay ng malalaking premyo ang kalabang game show.

Mas maraming tahanan sa bansa ang nakatutok sa “TV Patrol” nina Noli De Castro, Korina Sanchez, at Ted Failon na may average rating na 26.7% ngayong Pebrero. Talo ang tambalang Mike Enriquez at Mel Tiangco sa “24 Oras” ng GMA na nagtala lang ng 20.5% at mas dehado ang game show na “Willing Willie” ng TV5 na may 11% rating lang.

Mas lalong umaariba ang Kapamilya Network pagdating sa drama dahil pa rin sa hindi matinag na line-up ng mga primetime teleserye nito. Nanlalamon pa rin nationwide sa ratings ang “Mara Clara” (34.9%) na sinusundan ng “Mutya” (31.8%), at “Imortal” (26.4%).

Maging sa Mega Manila na tinuturing na balwarte ng GMA 7 ay hindi nakapalag ang mga pambatong show ng Kapuso sa dekalibreng mga seryeng handog ng ABS-CBN. Nagawang pataubin ng “Mara Clara” (28%), “Mutya” (23.5%), at “Imortal” (22.1%) ang “Dwarfina” (21.4%), “Machete” (20.2%), and “I Heart You Pare” (20.6%).

Samantala, siyam sa top 10 most-watched TV program nationwide ay mula sa ABS-CBN.
Nangunguna pa rin dito ang Mara Clara (34.9%), na sinusundan ng Mutya (31.8%), Noah (30%), Pilipinas Got Talent (28.6%), TV Patrol (26.7%), Imortal (26.4), Rated K (23.9%), Maalaala Mo Kaya (22.5%), at Goin Bulilit (21.3%) na nakuha ang huling puwesto.

Sa pangkalahatan, ABS-CBN pa rin ang nananatiling numero unong TV network sa bansa sa audience share nito na 36% para sa buwan ng Pebrero laabn sa GMA na may 35% at TV5 na may 13%.
Sa Balance Luzon o areas sa labas ng Mega Manila, mas maraming tahanan sa bansa ang tumutok sa ABS-CBN (38%) vs GMA (35%). Sa Visayas, mahigit sa doble ang bilang ng tahanan na nakatutok sa ABS-CBN (54%) kumpara sa GMA (24%). At sa Mindanao, mas maraming tahanan ang tumutok sa ABS-CBN (53%) vs GMA (21%).

Ngayong Pebrero, hindi lang hawak ng ABS-CBN ang national leadership pagdating sa TV ratings. Naghahari na rin ang nasabing istasyon sa primetime TV sa Mega Manila na dating pinangunahan ng GMA.
Hindi lang sa Pilipinas tanyag ang Kantar Media/TNS. Kilalang-kilala ang nasabing kumpanya sa iba't ibang parte ng mundo. Malalaking kumpanya ang mga cliente nila at matagal na silang may karanasan sa pagsasaliksik ng mga manonood ng programa sa TV sa 32 na bansa.

Nagsimulang maglabas ng TV ratings sa Pilipinas noong Pebrero 2009 ang Kantar Media. May 1,370 panels o kabahayan ang Kantar Media/TNS sa Luzon, Visayas, at Mindanao na kumakatawan sa buong bansa.
Lumipat sa Kantar Media/TNS ang ABS-CBN matapos magsampa ito ng kaso laban sa AGB Nielsen Media Research sa hindi nito pagsunod sa hiniling na imbestigasyon hinggil sa umano'y pandaraya ng datos ng kanilang TV ratings. Kasalukuyang nakabinbin pa sa korte ang kaso.