Wednesday, May 25, 2011

Jovit Baldivino, Yeng Constantino, at Juri, Pinangunahan ang Listahan ng mga Nominado sa Tambayan OPM Awards

Muli na namang paparangalan ng Tambayan 101.9 ang mga natatanging Pinoy artists sa pamamagitan ng pagbibigay pugay sa original Pinoy music sa gaganaping Tambayan OPM Awards (TOPMA), na bukas para sa lahat ng gusting manood, ngayong Sabado (May 28) sa SM City North EDSA Sky Dome.


Nanguna sa listahan ng mga nominado ang “Pilipinas Got Talent” grand winner na si Jovit Baldivino na may apat na nominasyon kasama ang prestihiyosong Album of the Year award kung saan makakalaban niya ang Siakol, si Christian Bautista, Yeng Constantino, at Juris. Pumangalawa naman sina Yeng at Juris na parehong may tatlong nominasyon.

Muling nagbabalik si Rico Blanco, na humakot ng parangal noong nakaraang TOPMA, para sa Song of the Year category sa kanyang single na “Kahit Walang Sabihin” katunggali naman ang “Jeepney Lovestory” ni Yeng Constantino, “Tropa” ng Siakol, “Di Lang Ikaw” ni Juris, “Fallin in Love” ng Six Part Invention at “Paano” ni Jovit Baldivino.

Magtatagisan naman ng galing sina Bugoy Drilon, Piolo Pascual, at Jovit Baldivino para sa Male Artist of the Year award habang sina KC Concepcion, Yeng Constantino, Juris, at Toni Gonzaga naman ay magkakabangga sa Female Artist of the Year award.

Samantala, pinangalanan namang mga nominado para sa Band of the Year ang mga bandang Siakol, Spongecola, Six Part Invention, at Cueshe at ang baguhang sina Tanya Markova, Kiss Jane, Champ, General Luna, at Jovit Baldivino naman ang mga nominado para sa Best New Artist category.

Kikilalanin din ang mga OPM revivals sa Best OPM Revival category. Dito maglalaban laban ang mga awiting “Hindi na Bale” ni Bugoy Drilon, “Kapag Ako ay Nagmahal” ni Juris, “Dito sa Puso Ko” ni Faith Cuneta, at “Beautiful Girl” ni Christian Bautista.

Sasaluduhan naman ng Tambayan 101.9 ang isa na namang OPM artist na malaki ang naging ambag sa local music scene sa pamamagitan ng Tambayani Award. Noong nakaraang taon, ang yumaong rapper na si Francis Magallona ang nakakuha ng karangalan. Sino kaya ang magwawagi para sa taong ito?

Libre manood ng Tambayan OPM Awards pero kinakailangang kumuha ng tickets ng mga nais manood sa Tambayan 101.9 office sa G/F Main Building ng ABS-CBN mula Lunes hanggang Biyernes (2pm-6pm). Bilang lamang ang tickets na ipamimigay kaya hinihikayat ang lahat na bilisana ang pagkuha nito.

Samahan na ang inyong paboritong Kapamilya FM radio station sa kanilang pagdiriwang ng husay at pagkamalikhain ng Pinoy pagdating sa musika kasama sina Christian Bautista, Jovit Baldivino, Faith Cuneta, Six Part Invention, Ney of 6 Cycle Mind, Gloc 9, Siakol, Itchy Worms, Maldita, Frio, Star Power 4, Star Power grand winner Angeline Quinto, at marami pang iba.

Isa lamang ang Tambayan OPM Awards sa mga espesyal na handog ng Tambayan 101.9 para sa mga Tambayers. Patuloy ding umiikot ang Tambayan On D’ Go kung saan pumupunta ang Tambayan Vans sa mga baranggay, paaralan at pamilihang bayan para magbigay-aliw at papremyo.

Laging makinig sa Tambayan 101.9 sa radyo o panuorin ito sa TV via live audio-video stream sa www.tambayan1019.com.