Friday, May 6, 2011

Mga Pro at Anti-RH Bill sa 'Harapan' ng ABS-CBN at ANC

Sa isang bihirang pagkakataon, maghaharap-harap sa isang live debate ang mga pabor at laban sa kontrobersyal na Reproductive Health Bill (RH Bill) ngayong Linggo (Mayo 8) sa “Harapan: RH Bill, Ipasa o Ibasura?” sa ABS-CBN Sunday’s Best.

Kasama ang mga premyadong news anchors na sina Karen Davila at Julius Babao, pakinggan ang iba’t ibang isyu at mga pananaw kaugnay sa RH Bill, na mainit na pinaguusapan sa bawat sulok ng bansa.

Hatid ng ABS-CBN at ng ABS-CBN News Channel (ANC), na nagdiriwang ng ika-15 anibersaryo ngayong taon, pagsasama-samahin ng “Harapan” ang mga kilalang personalidad mula sa magkabilang panig.

Pinangungunahan nina Rep. Janette Garin at Rep. Edcel Lagman, dalawa sa mga may akda ng RH bill, Protestant Bishop Rodrigo Tano, Carlos Celdran, dating Department of Health Sec. Esperanza Cabral, Beth Angsioco, at dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ang mga “Pro RH Bill.”

Sina Rep. Anthony Golez, Rep. Roilo Golez, Dr. Ligaya Acosta ng Human Life International, Fr. Melvin Castro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, Atty. Jo Imbong ng CBCP Family and Life, at dating Laguna Gov. Joey Lina naman ang mga pambato ng mga “Anti RH Bill.”

Layunin ng “Harapan” na liwanagan ang bawat Pilipino sa mga isyung bumabalot sa RH Bill nang magkaroon ang publiko ng sapat na kaalaman para mapagpasyahan kung makabubuti o makasasama ba sa bayan ang panukalang batas.

Panoorin ang napapanahong harapang ito live ngayong Linggo May 8, 10:30 pagkatapos ng “Pilipinas Got Talent” sa ABS-CBN sa free TV o kaya sa ANC SkyCable ch. 27 sa cable at online sa www.abs-cbnnews.com. Mapapanood ito muli sa ANC sa Lunes (May 9) ng 6am. Makibahagi sa diskusyon sa pamamagitan ng online at text polls.