Saturday, September 24, 2011

State-of-the-Art Studios, Itatayo ng ABS-CBN sa Bulacan

Bubuo ng state-of-the-art studio o soundstages ang ABS-CBN Corporation bilang bahagi ng patuloy nitong pagpapalawak pa ng kumpanya at para mas lalo pang pagibayuhin ang kalidad ng mga programang ihahandog nito sa mga manonood.

“Ang unang soundstage ay itatayo bago magtapos ang 2012 sa San Jose Del Monte, Bulacan,” sabi ni Raul Bulaong, ang Chief Technology Officer ng ABS-CBN at responsible para sa produksyon, post-production, animation, at transmission ng Kapamilya Network.

Ang soundstage, ayon pa kay Bulaong, ay sound proof na building kung saan ginagawa ang mga TV show at pelikula.

“Gagawa ka ng iba’t ibang lugar sa loob at pagtatabihin mo na ang lahat ng kelangang set sa mga eksena. Halimbawa mayroon kang hospital, tapos sa tabi nito may hotel lobby o opisina,” dagdag niya.

ABS-CBN ang unang local TV network na gagawa ng state-of-the-art na soundstage sa Pilipinas. Ito rin ang unang nagtayo ng state-of-the-art na mga TV studio noong 90s.
Bukod pa sa soundtages, gagawa rin ang ABS-CBN ng mga backlot o bakanteng lote na paglalagyan ng mga exterior set tulad ng kalsadang may mga gusali.

Para kay Bulaong, ang planong ito ng ABS-CBN ay tiyak pakikinabangan ng mga konsyumer. “Maraming mga TV show pinoproduce ng ABS-CBN at ipinapalabas sa channel 2, Studio 23, sa mga cable TV channel nito tulad ng ANC, at maging sa sinehan sa pamamagitan ng Star Cinema.”

Kapag nagbigay na ng hudyat ang National Telecommunications para lumipat na ang mga local network sa digital TV, malulunsad ang ABS-CBN limang bagong channels na nangangahulugang kinakailangan ng network na gumawa ng mas maraming programa.

Inaasahan naman ang pag-unlad pa lalo ng San Jose Del Monte, Bulacan dahil ang pagtatayo ng sound stages sa kanilang lugar ay magbibigay din ng daan sa pagtatayo ng mga establisyimento tulad ng hotels, restaurants, o amusement centers bilang mapapadalas ang pagpunta rito ng mga production staff at celebrities para sa kani-kanilang programang gagawin.