Ikakampanyang muli ng broadcast journalist na si Abner Mercado ang pagpapalaya sa mga presong may malubhang karamdaman sa “Krusada” sa Huwebes (Jan 26) matapos pumanaw ang ilan sa kanila nang hindi nakakalaya.
Noong 2008 at 2011, inilahad ni Abner ang kuwento ng mga presong may malalang sakit at ang kanilang kahilingang mapalaya upang makasama ang kani-kanilang mahal sa buhay sa nalalabi nilang panahon.
Ani Abner, malapit sa kanya ang kuwento ng mga babeng bilanggo. “Silang mga bilanggo sa likod ng rehas na nasadlak sa banig ng karamdaman pero tanging kamatayan lang pala ang sa kanila’y makapapalaya," aniya.
Nakilala ni Abner si Esmarie “Cheng” Salazar noong June 2011. Nakakulong si Cheng sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong noon at iniinda ang stage four breast cancer. Nanawagan syang makalaya, ngunit hindi na ito napagbigyan at doon na lamang sa kulungan namatay.
Ganito rin ang istorya ni Querubin Libo-on, isang preso sa New Bilibid Prison na may kanser naman sa lalamunan. Namatay ito sa Bilibid nang hindi man lang nakapiling ang pamilya dahil hindi rin ito pinalaya.
May nabigyan nga ba ng executive clemency sa ilalim ng Pangulong Benigno Aquino III? Magkakaroon pa nga ba ng pagkakataon ang mga presong may malalang karamdaman na makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa mga nalalabi nilang araw?
Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makiinig at makiisa sa pagpapatuloy ng laban ni Abner para sa mga sakiting preso ngayong Huwebes (Jan 26) sa “Krusada” pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 PM








0 comments:
Post a Comment