Makikipagsanib pwersa ang global brands na Nickelodeon at Marvel sa pinaka-child friendly na TV network sa bansa base sa natamong Anak TV seals, ang ABS-CBN, para maghatid ng exciting adventures sa mga batang Pinoy tuwing umaga simula ngayong Sabado (Jan 28) at Linggo (Jan 29).
Mapapanood na ang bagong episodes ng inyong paboritong Nickelodeon shows na “Go Diego Go” sa ganap na 8:30 AM, na susundan ng “Penguins of Madagascar” pagpatak ng 8:50 AM at “The Adventures of Jimmy Neutron” pagsapit ng 9:10 AM tuwing Sabado.
Samahan ang walong taong gulang na si Diego sa kanyang pagtulong sa mga hayop sa “Go Diego Go” habang sasabak naman sa misyong protektahan ang kanilang tahanan sa Central Park Zoo sina Skipper, Kowalski, Rico, at Private na kilala bilang “Penguins of Madagascar.”
Samantala, genius mang naturingan ang labing-isang taong gulang na si Jimmy ay pumapalpak pa rin ang ilan sa kanyang imbensyon. Abangan ang nakakamangha at nakakatawa niyang pakikipagsapalaran sa “The Adventures of Jimmy Neutron.”
Pagdating ng Linggo, ang mga kilalang bida naman ng Marvel na sina Spider Man at The Hulk ang gigising sa inyo sa kanilang maaksyong paglalakbay mula sa pagiging ordinaryong tao hanggang sa pagiging superheroes.
Magbabago ang takbo ng buhay ni Peter Parker nang makagat siya ng isang kakaibang gagamba sa isang science fair. Mula sa pagiging simpleng high school student ay magkakaroon siya ng kakayahang tulad ng sa mga gagamba. Samahan siyang sagipin ang mundo sa mga kaaway bilang si “Spider Man” tuwing 8:30 AM.
Aksidente namang nasabugan ng isang gamma bomb si Banner na naging dahilan kung bakit siya naging isang higanteng halimaw. Kilalanin siya bilang “The Incredible Hulk” pagsapit naman ng 9:00 AM.
Ang Nickelodeon ang pinakapinapanood na TV network ng mga kabataan sa US. Ibinigay ng Nickelodeon sa ABS-CBN noong 2010 ang eksklusibong rights para iere ang kanilang mga palabas sa lahat ng platforms nito. Una ng naipalabas ng network ang mga Nick shows na “Spongebob Squarepants,” “Dora The Explorer,” “El Tigre,” at “Avatar” na talaga namang tinangkilik ng mga Kapamilya.
Isang malaking entertainment company naman sa US ang Marvel na siyang nagbigay buhay sa pinakatanyag na mga superhero sa buong mundo sa pamamagitan ng kanilang comic books. Kamakailan lang ay ipinagkatiwala rin nila sa ABS-CBN ang kanilang mga palabas. Nauna ng hinandog ng Kapamilya Network ang patok na patok na “The Avengers” at “X-Men.”
Bukod sa Nick at Marvel shows, mapapanood din ang back-to-back airing ng “Sailor Moon” at “Naruto Shippuden 4,” Lunes hanggang Biyernes, simula 8:30 AM.
Talaga namang mas maganda ang umaga kasama ang mga bagong cartoon offerings ng ABS-CBN.













0 comments:
Post a Comment