Saturday, January 21, 2012

Banggaang Lakers, Pacers Mapapanood Live sa Studio 23

Masasaksihan nang live sa Studio 23 ang salpukan ng Los Angeles Lakers at Indiana Pacers sa Lunes (Jan 23), 10:30 a.m.

Kabilang sa mga koponang nagpapakita ng maningning na performance ang Lakers at Pacers ngayong season, bagay na pinatutunayan ng dami ng panalo ng dalawang koponan.

Matapos indahin ng Lakers ang pagkakaroon ng injury ng superstar nilang si Kobe Bryant sa mga naunang laro, nanumbalik ang lakas ng koponan nitong mga nakaraang laban at nakapagtala pa nga ng 40-plus puntos sa apat na magkakasunod na laro si Bryant.

Nagpapakita naman ng galing ang Pacers ngayong season matapos ang ilang taon ding pananahimik. Sa pagpasok ng shooting guard na si George Hill at ng power forward na si David West sa kopononang pinangungunahan ng forward na si Danny Granger, sinasabing ang Pacers ang isa sa mga may pinakamalakas ng lineup sa Eastern Conference ngayon.

Panoorin nang live ang sagupaan ng Los Angeles Lakers at Indiana Pacers ngayong Lunes (Jan 23), 10:30 a.m. sa Studio 23. Mapapanood naman ang primetime telecast ng laro sa parehong araw, 9:30 p.m.