Hindi lang Boracay at Chocolate Hills ang maaaring ipagmalaki ng Pilipinas. Para patunayan iyan, magbabalik-telebisyon ang batikang mamamahayag na si Charie Villa ngayong Huwebes (Jan 12) sa “Krusada” upang ipakilala ang mga hindi pa natutuklasan at kilalang lugar sa Pilipinas sa pamamagitan ng Internet travel portal na ‘Choose Philippines.’
Lilibutin ni Charie, na siya ring news head ng ABS-CBN Regional Network Group (RNG), ang Laoag, Pagudpod, Burgos, Bangui, at Adams sa Ilocos upang alamin kung bakit hindi pa rin umaarangkada ang turismo sa mga ito. Maraming lugar sa bansa ang hindi pa matawag na ‘tourist spots’ dahil walang mga taong dumadagsa rito.
Ayon sa datos, sampung Pilipino ang nagkakaroon ng hanapbuhay sa bawat dayuhan na lilibot sa Pilipinas. Ani Charie, magandang plataporma ang ‘Choose Philippines’ upang tulungan ang locals dito sa kanilang kabuhayan.
“Ang talagang papel ng turismo, ang magbukas ng maraming oportunidad at pasiglahin ang kabuhayan sa bansa. Kaya lang, mayroon pa ring mga magagandang problema na kailangang harapin. Magagandang problema, dahil pwede pa silang lutasin kung ipagbibigay alam lang sa mga tao at sa pamahalaan,” sambit niya.
Inilunsad ng ABS-CBN RNG ang ‘Choose Philippines’ website (choosephils.com) noong Abril ng nakaraang taon upang bigyan ang mga Pinoy at banyaga ng tama at up-to-date na impormasyon tungkol sa mga lugar, pagkain, produkto at kultura ng Pilipinas.
Tuklasin ang yaman at ganda ng Pilipinas. Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig at makiisa sa kampanya ni Charie ngayong Huwebes (Jan 12) sa “Krusada” pagkatapos ng “Bandila” sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 PM.








0 comments:
Post a Comment