Monday, January 16, 2012

Erap, Sasariwain ang Sarili Niyang Impeachment sa 'Patrol ng Pilipino'

Opisyal nang nagbukas ang pagdinig sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona – ang ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na umabot sa Senado para dinigin ang isang kasong pagpapatalsik sa isang pampublikong opisyal.

Mamayang gabi (Jan 17) sa “Patrol ng Pilipino,” kakapanayamin ni Zen Hernandez ang dating pangulo at aalamin ang kanyang mga saloobin noong dati’y siya ang nasasakdal. Ayon kay Estrada, naniniwala siya na magkakaroon ng mas patas na paglilitis si Corona kumpara noong panahon niya.

Alamin kung paano dinala ng pamilya Estrada ang bawat paratang na ibinato sa kanya at kung aling punto ng paglilitis ang lubos siyang naapektuhan.

Ilalahad din ni Zen ang mga naganap sa unang araw ng impeachment trial ni Corona. Bukod sa pagpapaliwanang ng proseso ng impeachment trial at kung anu-ano ang mga akusasyong ipinupukol kay Corona, uusisain din kung gaano kalakas ang prosekusyon at depensa na maghaharap sa pagdinig ng kaso.

Samantala, bibisitahin naman ni Dominic Almelor ang ilan sa mga lugar sa Pampanga at Zambales, dalawa sa mga probinsya sa Pilipinas na nasa listahan ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources na madalas nakakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa. Papakinggan ni Dominic ang sentimyento ng mga pamilyang natangay na ng pagbaha ang tahanan. Alamin kung paano nga ba maililigtas ang mga rehiyong ito gayong ang Pilipinas ay madalaas daanan ng kalamidad.

Alamin ang kwento sa likod ng mga balita mamaya (Jan 17) sa “Patrol ng Pilipino” pagkatapos ng “Bandila" sa ABS-CBN, o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable channel 26), 9:15 PM.

0 comments:

Post a Comment