Friday, January 27, 2012

Kuya Kim, Mangingiliti ng Mata at Isipan sa 'Matanglawin'

Kikilitiin ni Kuya Kim ang inyong imahinasyon sa mga nakakaintrigang optical illusions ngayong Linggo (Jan 29) sa isa na namang exciting na adventure sa “Matanglawin.”

Ang mga hayop ay isa sa mga mahilig gumamit ng ilusyon sa pamamagitan ng pag-camouflage o panggagaya sa paligid nito para matakasan ang mga kaaway o para masindak ang mga ito.

Hindi lang para sa survival nagagamit ang optical illusions dahil maari din itong magsilbing solusyon sa mga problema sa disenyo ng bahay at maging sa fashion.

Samantala, tutuklasin din ni Kuya Kim ang siyensa sa likod ng mga trick 3D art at ang kanyang special guest na si Jeff Tam ng “Umagang Kay Ganda” ay magpapakitang gilas sa kanilang mga magic tricks.
Ang ”Matanglawin” ay isa sa pinakapinaparangalang educational program sa bansa at nakatamo na ng pagkilala sa mga prestihiyosong award giving bodies tulad ng PMPC Star Awards, EMPRESS Golden Screen TV Awards, Anak TV Seal, UP Gandingan, at USTv Awards noong 2011.
Huwag palalampasin ang “Matanglawin” ngayong Linggo (Jan 29), 9:30 ng umaga sa ABS-CBN.