Monday, January 30, 2012

Prosekusyon at Depensa, Kilalanin sa 'Patrol ng Pilipino'

Painit na nga ng painit ang bakbakan ng mga de-kampanilyang abogado ng depensa at mga bagitong taga-usig sa nakaraang dalawang linggo ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Sa kabila ng mga napapanood natin sa telebisyon, paano nga ba nila pinaghahandaan ang bawat pagdalo sa pagdinig?

Bukas (Jan 31) sa “Patrol ng Pilipino,” kilalanin ang mga bumubuo sa kampo ng depensa at ng prosekusyon sa ulat ni Jing Castaneda, at silipin kung paano nila gagawin ang kani-kanilang tungkulin sa paglilitis ng impeachment case ni Corona.

Kakapanayamin ni Jing sina Atty. Tranquil Salvador at Atty. Jose Roy, ang mga abogadong tagapagtanggol ni Corona at ang mga taga-usig na sina Rep. Neri Colmenares, Rep. Erin Tanada, at Rep. Niel Tupas. Bukod pa riyan, alamin din ang kung ano ang tumatakbo sa likod ng mga press conference ng bawat kampo.

Para kay Jing, malaki ang papel ng media sa takbo ng pagdinig na ito, na inihahalintulad niya sa isang reality show na walang script, walang may kontrol, at walang may alam kung paano at kailan matatapos.

“Nakasalalay sa lahat ng partido – sa prosekusyon, depensa, senator-judges, at maging sa media – kung paano maeenganyo at mapapanatiling interesado rito ang taumbayan. Bilang isa sa mga pinakamahalagang aspeto ng demokrasya ng bansa, obligasyon nating tutukan ang impeachment para tiyaking anuman ang desisyong kalalabasan ay malinaw, kapani-paniwala, at katanggap-katanggap ito,” giit ni Jing.

Samantala, dadalhin naman kayo ni Jacque Manabat sa tatlong oras na biyahe sa pinagandang tramline sa Sariaya, Quezon kasama ang mga magsasaka. Dahil ditto, napaginhawa ang kanilang kabuhayan at nabawasan pa ang higit sa 45 minutong lakaran, na siyang dahilan ng pagkatuyot ng kanilang mga panindang gulay.

Alamin ang kwento sa likod ng mga balita bukas (Jan 31) sa “Patrol ng Pilipino” pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN, o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26,) 9:15 p.m.