Tuesday, February 7, 2012

Nominado sa 2012 MYX Music Awards Ia-anunsiyo na, Mapapanood ng Live sa MYXph.com

Matapos manguna ng MYX Charts app sa listahan pinakadina-download na music app na sa Android Market, handa na ang MYX, ang numero unong music channel sa bansa, para sa isang panibagong tagumpay, ang MYX Music Awards 2012

Ang pag-aanunsiyo ng mga nominado para sa MYX Music Awards sa taong ito ay talagang espesyal, lalo’t mapapanood ito ng live sa www.myxph.com ngayong Pebrero 8 (Miyerkules), 3p.m.

Noong nakaraang taon, pinaniniwalaang umarangkada ang mga OPM artists sa kanilang musika na kadalasa’y sariling komposisyon. Kaya naman sabi ng MYX Channel Head na si Andre Allan Alvarez, maaring ito na ang panahon para sa panibagong Golden Age ng OPM.

Matatandaang noong dekada 70 ay ang itinuring na Golden Age ng OPM. Ngayo’y handa na ang MYX Music Awards na ibalik ang makulay na panahong ito sa pamamagitan ng mga regalong tiyak na magugustuhan ng bawat music lover.

Dagdag pa niya na bawat musikero—mapa-rock, pop, o R&B man—lahat ay may malaking potensyal na makilala sa buong mundo.

“Bilang isang music channel, binibigyang-pagkakataon ng MYX na maipakita ng bawat musikero na makag-perform at maipakita ang kanilang talento, kahit saang istasyon man sila galing. Basta performer ka, welcome ka sa MYX,” ani Alvarez.

Sa live nomination, ang mga MYX VJ ay magbabahagi ng kanilang mga pananaw, habang ang Rock Princess na si Yeng Constantino, Somedaydream at Zia Quizon ay maghahandog ng kapana-panabik na mga performances. Mas magiging exciting ang nominasyon lalo’t lalahok ang ilang kawani ng media sa diskusyon.

Layunin ng MYX Music Awards, na isa sa pinakamalaking music award-giving bodies, na iangat at parangalan ang pinakamagagaling na musikero sa bansa. Sa tagline nitong “Your Choice. Your Music,” walang dudang naging tahanan ang MYX ng mga papausbong pa lang at maging kilalang music artists.

Nasa kamay ng mga music lover ang kahahantungan ng mga nominadong artists. Pagkatapos ng nominasyon, agad magbubukas ang botohan at magtatagal hanggang Marso 9 (Biyernes). Ang mga boto online ay 60% ng kabuuang iskor ng bawat nominado, habang 40% naman ay mula sa artists’ poll. kaya’t hinihikayat ang lahat na mag-logon sa myxph.com at www.facebook.com/MYX.Philippines, o i-follow ang @myxphilippines sa Twitter. Isang boto lang sa bawat category bawat araw ang pahihintulutan.

Ang MYX (SkyCable Channel 23) ay mapapanood sa SkyCable Platinum, SKyCable Gold, SkyCable Silver at higit sa 200 quality cable operators. Para sa mga updates, i-download na ang MYX Charts app sa Android Market ng libre.