Friday, June 1, 2012

ZAIJAN, PAIIYAKIN ANG VIEWERS SA “MMK”

Bibida ang Kapamilya child wonder na si Zaijan Jaranilla sa "Maalaala Mo Kaya" ngayong Sabado (Hunyo 2). Gagampanan niya ang karakter ng batang tour guide sa Tuguegarao na si Andoy. Lumaking walang ina, namulat si Andoy na madalas wala ang amang si Jerry (Zoren Legaspi) sa kanilang bahay. Dahil sa kalungkutan, napagdesisyunan niyang magpalista bilang isa sa mga tour guide sa sikat na Callao Cave nang walang permiso ng kanyang magulang. Sa angkin niyang husay, mabilis na naging kilala si Andoy lalo na ng mga turista sa kanilang lugar. Sa gitna ng papuri ng ibang tao, tanging si Mang Jerry lamang ang hindi masaya sa mga ginagawa ng anak, dahilan upang pilitin niya itong iwan ang pagiging tour guide. Kasama ni Zaijan at Zoren sa "MMK" episode sina Wendy Valdez, Lui Manansala, Niña Dolino, Dionne Monsanto, at Kyle Balili. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Joan Habana at sa direksyon ni Emmanuel Palo. Huwag palampasin ang isa na namang markadong family drama ngayong Sabado ng gabi sa longest-running drama anthology ng Asya, ang "Maalaala Mo Kaya" (MMK), pagkatapos ng "Wansapanataym." Para sa iba pang updates, mag log on sawww.mmk.abs-cbn.com, sundan ang @MMKOfficial sa Twitter, at i-"like" ang www.faceboook.com/MMKOfficial.