Wednesday, July 18, 2012

PROJECT NOAH NG PAGASA, BUBUSISIIN NI HENRY SA “KRUSADA”

Inilunsad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kamakailan ang Project NOAH bilang tugon sa panawagang mas paunlarin pa ang pag-forecast ng panahon sa bansa nang mabigyan ng karampatang babala ang mga Pinoy ng mga paparating na bagyo.


Ngayong Huwebes (July 19) sa "Krusada," uusisain ni Henry Omaga-Diaz ang Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards, isang mapang gumagamit ng makabagong teknolohiya upang  makapag-abot ng babala at importanteng impormasyon ukol sa baha, anim na oras bago pa ascman dumating ang bagyo.

"Hindi natin maiaalis ang takot at pangamba ng ating mga kababayan. Sa tuwing darating ang panahon ng malakas na ulan, paulit-ulit na lang ang mga nagaganap na sakuna," sabi ni Henry.


Dalawampung bagyo ang inaasahang papasok sa bansa ngayong taon. Sa kabila ng muli't muling sakunang tumatama sa bansa, hindi pa rin natututo ang mga Pinoy sa pinsalang dulot ng panahon sa buhay at ari-arian na minsa'y sinisisisi pa sa PAGASA dahil umano sa palyado nitong serbisyo at mga kagamitan.


At sa pamamagitan ng Project NOAH, mas mapapabuti raw ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na agapan o 'di kaya'y bawasan ang dulot na trahedya sa publiko.


Gaano nga ba ka-'fearless' ang forecasts ng PAGASA? Paano nga ba gumagana ang NOAH at gaano ito kaepektibo upang magbigay ng mga update ukol sa panahon? Ito na nga ba ang solusyon? At anu-ano pa nga ba ang problemang kinakaharap ng PAGASA? May pag-asa pa ba tayong maaasahan sa PAGASA?


Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, manood ng "Krusada" ngayong Huwebes (July 19) pagkatapos ng "Bandila" sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 p.m.