Monday, August 20, 2012

XYRIEL, TUTURUAN ANG MGA BATANG MAGTIPID NG KURYENTE

Pagtitipid ng kuryente ang panibagong aral na ibabahagi ng 2012 Yahoo! OMG! Child Star of the Year na si Xyriel Manabat sa espesyal na episode ng "Wansapanataym" ngayong Sabado (Agosto 25).

Sa 'KuryenTina' episode, gagampanan ni Xyriel ang karakter ni Tina, isang batang mahilig mag-aksaya ng kuryente. Dahil sa pagpapatuloy ng kanyang maling gawain, parurusahan ng Haring Kidlat (Teddy Corpuz) si Tina at aatakihin siya ng mga kidlat na nakapagbigay sa kanya ng kapangyarihan na makahigop ng kuryente. Matutunan kaya nina Tina at ng kanyang mga kapitbahay na pahalagahan at maging matipid sa kuryente kapag bumalik si Haring Kidlat at parusahan ang lahat dahil sa kanilang pang-aabuso?

Makakasama ni Xyriel sa episode sina Snooky Serna, Dexter Doria, Garie Concepcion, at Gerald Pesigan. Ito ay sa ilalim ng panulat ni Yam Tanangco at direksyon ni Avel Sunpongco.

Ang "Wansapanataym" ay bahagi ng malawakang kampanya ng ABS-CBN na "Bida Best Kid" na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng paggawa ng mga programang nagpapakita ng mabubuting asal at pagpapahalaga. Hinihimok sila nito na maging 'da best' sa anumang larangan na naisin nila at patuloy na abutin ang kanilang mga pangarap.

Huwag palampasin ang 2012 Prix Jeunesse International Festival Children's Jury Prize winner, "Wansapanataym" special ni Xyriel tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng "Kapamilya: Deal or No Deal" sa ABS-CBN. Para sa karagdagang updates, mag-log on sa www.abs-cbn.com  o sundan ang @abscbndotcom sa Twitter.