Saturday, September 8, 2012

LABAN PARA SA KATOTOHANAN, AARANGKADA NA SA “EQUATOR MAN”

Sa ngalan ng katotohanan ay ating tunghayan ang pagtatapatan ng dalawang magkaibigan, magkaagaw, at magkalaban  sa pag-uumpisa ng tinaguriang most thrilling Korean drama ng taong 2012, ang "Equator Man," ngayong Lunes (Sep 10), 4:15 PM sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

 

Sundan ang kuwento ng sigang si Samuel at matalinong si Jeric, dalawang magkaibang katauhan na pagbubuklurin ng pagkakaibigan.  Lingid sa kanilang kaalaman na ang kanilang sinimulang samahan ay mababalot pala ng panlilinlang at masisira dahil sa maling desisyong nagawa ng kanilang mga magulang.

 

Isang sitwasyon ang babago sa takbo ng kanilang kapalaran matapos aksidenteng mapatay ng ama ni Jeric ang  ama ni Samuel.  Isang malaking desisyon ang gagawin ni Jeric, ang pagtatraydor sa kanilang pagkakaibigan,  pilit pagtatakpan ni Jeric ang ginawa ng ama na hahantong sa karahasan kung saan ay mahahampas ni Jeric si Samuel at ihuhulog ito sa bangin para tuluyang mamatay.

 

Mabubuhay pa si Samuel ngunit sa kanyang pagdilat ay kadiliman na ang sasalubong sa kanya dahil naapektuhan pagkakabagok sa kanya ang kanyang paningin. Sa gitna ng dilim ay hahanapin niya ang liwanag ng katotohanan kasama si Gianne, isang babaeng  magsisilbing mata niya at tutulong upang makamit ang katarungan.

 

Paglalapitin muli ang kanilang landas ni Jeric dahil bukod sa pagkubli ng katotohanan, ipaglalaban din ni Jeric ang matagal ng pag-ibig sa dalagang napapalapit sa mortal na karibal.

 

Paano magagawa ni Samuel ang kanyang misyon? Ano ang kayang gawin ni Jeric sa patuloy na nilalamon ng kanyang matinding galit at poot? Sa kanilang pagtatapatan, sino ang magwawagi?

 

Huwag palalampasin ang "Equator Man," simula na ngayong Lunes (Sep 10), 4:15 PM, pagkatapos ng "Kung Ako'y Iiwan Mo" sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.